Bukod pa sa isyu ng kalakalan ng droga, si Mayor Reynaldo Parojinog at ang kanyang anak na si Ozamiz Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Echavez ay may kinakaharap rin na kasong graft tungkol sa umano’y maanomalyang kontrata sa pagpapagawa ng isang pampublikong gymnasium.
Ipinapaaresto rin sila ng Sandiganbayan matapos ibasura ng Sandiganbayan 5th Division ang hiling ng mag-ama na ibasura ang nasabing kaso na isinampa sa kanila noong 2016.
Sa isang report naman noon ng Philippine Daily Inquirer, inamin ni Mayor Reynaldo Parojinog na may relasyon ang kanyang anak na si Nova sa drug lord na si Herbert Colangco pero mariin niyang itinanggi na nakikisosyo siya sa negosyo nitong may kaugnayan sa iligal na droga.
Sa kabila ng sangkatutak na alegasyong kinakaharap, ang pamilya Parojinog ay nanatiling nakaupo bilang makapangyarihang mga lider ng Ozamiz City ng halos labinlimang taon.
Matapos ang engkuwentro kahapon, Linggo, naging usap-usapan na rin ang vigilante group na Kuratong Baleleng na pinamumunuan ng kanilang ama na si Octavio “Ongkoy” Parojinog Sr.
‘KURATONG BALELENG AT ANG PAROJINOG’
Ayon sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), ang mabilis na paglaki at pagtatagumpay ng grupo ay dahil sa pamumuno ni Octavio “Ongkoy” Parojinog Sr.
Sa isang ulat naman noong 2001 mula sa news magazine na Newsbreak, nalaman na ang mga armas na ginagamit ng grupo ay mula sa mga militar.
Noong 1988, nabuwag ng mga militar ang Kuratong Baleleng kung saan inilagay sa listahan ng mga wanted ang mga miyembro nito. Ngunit, sa kabila nito, patuloy pa rin ang grupo sa kanilang mga iligal na aktibidad tulad ng pagnanakaw.
Matapos ang ilang taon, sa pinagsanib na puwersa ng mga militar at pulis, napatay sa isang ambush ang lider na si Octavio “Ongkoy” Parojinog Sr.
Dito na nahati ang grupo sa kanilang mga operasyon. Ang grupo ni Parojinog ay patuloy ang operasyon sa Ozamiz habang ang magkapatid na “Aldong” at “Renato” ay tumutok naman sa mga nakawan sa Metro Manila.
Samantala, ang pamangkin naman ni Ongkoy na si Carmelito Calasan ay nagbuo naman ng grupo na kilala sa pangho-holdap, extortions at pagnanakaw sa mga bangko sa Iligan, General Santos City, Cebu City at Metro Manila.
Noong 1996, labin-isang miyembro ng Kuratong Baleleng ang napatay ng Presidential Anti-Crime Commission na pinamunuan ni Panfilo Lacson.
‘ANG MAGKAKAPATID NA PAROJINOG’
Sa report ng PCIJ, nahuli ng AFPCIG at CAPCOM noong 1993 sa Cainta, Rizal ang anak ni Ongkoy na si Renato “Nato” Parojinog.
Matapos mahuli si Nato, sumuko naman sa ISAFP si Aldong kasama ang kapatid nila na si Ricardo. Kung saan, hinarap nila ang mga patung-patong na kaso ng assault at bank robbery.
Ilan sa mga krimeng iniugnay ng ISAFP sa Kuratong Baleleng ay ang mga sumusunod:
P2 million robbery of Solid Bank in Tangub City in 1988,
P12 million Monte de Piedad armored van robbery on Roxas Blvd. in 1990
P5 million heist at an RCBC bank in Pampanga
P12 million Traders Royal Bank robbery in Buendia in 1991
Pero nadismiss lahat ng kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiyang magdidiin sa Parojinog Brothers.
Ayon pa sa PCIJ, matapos madismiss ang mga kaso, kinalaunan ay nailuklok ang magkakapatid na Parojinog sa ilang posisyon sa gobyerno.
Si Renato “Nato” Parojinog, ay naging provincial board member ng Misamis Occidental noong 2001 pero napatay nang sumunod na taon ng hindi pa nakilalang gunmen.
Si Reynaldo “Aldong” Parojinog naman ay nailuklok at nare-elect na Mayor ng Ozamiz City. Ito na rin ang kanyang ikalimang termino bilang Mayor ng lungsod. Si Aldong ay napatay kahapon sa engkuwentro.
Samantala, si Ricardo Parojinog naman ay ang incumbent Councilor ng Ozamiz City at naging board member din ng Misamis. Kasalukuyan siyang pinaghahanap ng otoridad para sa pagtatanong.
SOURCE: News5Everywhere
Loading...
0 comments: